Talumpati
- Klark Marquez
- Mar 22, 2021
- 2 min read

Ang talumpati ay sining ng pagsasalita na maaaring nanghihikayat, nangangatwiran, o tumatalakay ng isang paksa para sa mga tagapakinig. Masusukat sa sining na ito ang katatasan, husay, at dunong ng mananalumpati sa paggamit ng wika at katatagan ng kanyang paninindigan. Karaniwang nagkakaiba-iba ang mga talumpati, batay sa paghahanda ng mga ito (Mangahis et al. 2008).
Layunin:
Nasasabi ang uri ng talumpating nabasa o napakinggan
Naiuugnay ang sa sarili ang talumpating nabasa o napakinggan
Nakasusulat ng isang talumpati mula sa mahalagang karanasang natutuhan
Halimbawa:
BAWIIN NATIN ANG ATING PAGIGING PILIPINO
Isipin mo ang isang mundo kung saan hindi nakarating si Ferdinand Magellan sa ngayong tinataguriang bansang Pilipinas. Hindi sana tayo sinakop ng Espanya, at mabibigyan sana tayo ng pagkakataong gumawa ng sarili nating marka sa kasaysayan ng mundo.
Baka tingin mo na maraming mabuting naidulot ang pagsakop ng Espanya sa ating bansa. Kung hindi raw dahil sa kanila, mananatili sana tayong isang “primitibong” bansa. Baka naniniwala ka rin na maraming mabuting naidulot ang globalismo sa ating kultura. Dahil daw sa globalismo, marunong na tayong mag-Ingles di katulad ng ibang bansa sa Asya. Dahil daw sa globalismo, nakakapagtrabaho na tayo sa abroad at nakakaangat sa iba’t ibang larangan ng ating pinagtatrabahuan. Ngunit matindi kong tinututulan ang mga kaisipang ito. Pinaniniwalaan ko na dahil sa impluwensiya ng ibang bansa, unti-unti nang nawawala ang kultura at tradisyong ipinasa sa atin ng ating mga ninuno noon. Dahil sa pakikialam ng mga dayuhan sa ating bansa, nalimutan na natin kung ano ang tunay na ibig sabihin ng pagiging isang Pilipino. Masyado na tayong mala-dayuhan; napakalaki ng impluwensiya ng mga dayuhang bansa sa paraan ng ating pamumuhay ngayon. Base sa ating kasaysayan, binura nila at ginawang mala-demonyo ang ating panitikan at kultura, at ngayon ay kakaunti na lamang ang nananatili sa pampublikong kamalayan. Ngayon ay para na lamang tayong mga carbon copy ng mga dayuhang bansa. Imbes na tangkilikin ang sariling produkto at kultura, pumupunta tayo sa mga imported goods at ginagaya natin ang pamamaraan ng mga Amerikano, Koreano, at iba pa. At kung isipin mo ito nang mabuti, talagang napakasama nito para sa ating pagkakakilanlan bilang isang malayang bansa.
Halos nalimutan na natin ang ating pinanggalingan, kaya bawiin natin ang ating identidad bilang mga Pilipino. Bumalik tayo sa panahon ng ating mga ninuno at obserbahin ang kanilang pakikipag-isa sa kalikasan at sa kapwa tao. Huwag natin pabayaan ang ating mayaman na kultura sa mga kamay ng kolonyalismo at globalismo, sapagkat ito na lamang ang nananatiling pabilin sa atin ng ating mga ninuno. Bawiin natin ang ating pagiging Pilipino, at pangako sa’yo magiging mas maayos ang ating kinabukasan bilang isang bansa.
Repleksyon:
Minsan lamang nakikilala ng tao ang kahalagahan ng sining ng pagtatalumpati. Ang talumpati ay palaging ginagamit sa iba't ibang sektor ng pamayanan. May talumpati sa politiko, sa pag-aaral, sa propesyunal na tagpuan, at marami pang iba. Kahit minsan natatakot ang isang tao sa pagbibigkas sa harap ng isang malaking madla, ang pagtatalumpati ay isang napakahalagang kasanayan sa trabaho, pag-aaral, at pang-araw-araw na buhay.
Comentários