Sintesis
- Klark Marquez
- Mar 22, 2021
- 3 min read

Ang sintesis (synthesis) ay nagmula sa salitang Griyego na syntithenai na ang ibig sabihin sa Ingles ay "put together" o "combine" (Harper 2016). Makikita ang prosesong ito, halimbawa, sa mga pagkakataong pag-uusap tungkol sa nabasang libro kung kailan hindi posible ang pagbanggit sa bawat kabanata at nilalaman ng mga ito upang makuha lamang ang pangunahing kahulugan, layunin, at kongklusyon ng libro.
Layunin:
Naiisa-isa ang mga hakbang na dapat sundin sa pagsisintesis o pagbubuod
Natutukoy ang mahahalagang impormasyong pinakinggan upang makabuo ng sintesis
Nakasulat ng sariling pagbubuod
Halimbawa:
Noong ikalabinglima ng Oktubre 1982, ang LIDE Learning Center, Inc. ay naging bahagi ng Securities and Exchange Commission (SEC) pagkatapos makipagsundo sina G. Miguel Zosa ng PHILPHOS at G. Constante Ventura ng PASAR sa mga Brothers of the Christian School (De La Salle) na pangasiwaan ang paaralan. Nagbukas ito ng klase para sa Preschool hanggang sa Ikaanim na Baitang noong 1983 kasama si Brother Martin Simpson bilang La Salle Supervisor at G. Eude Carlos Yap bilang punong guro. Binuksan nila ang klase para sa Ikapitong Baitang, Second at Third Year High School noong SY 1984-1985, at ang First at Fourth Year High School naman noong SY 1985-1986. Tinanggal ng paaralan ang kurikulum para sa Ikapitong Baitang noong SY 1991-1992.
Hanggang Marso ng 1993, ang Brothers of the Christian School ang nangasiwa sa paaralang LLCI. Pagkatapos ay noong Disyembre 1997, napunta ang pangangasiwa sa LIDE Management Corporation (LMC). Noong 2001 lamang namahala ang Board of Trustees sa pangangasiwa ng paaralan.
Sa buong buhay ng LLCI, nagpakita ang mga estudyante nito ng kahusayan sa larangan ng akademiko. Noong SY 1993-1994, nukapuwesto ang mga mag-aaral ng Ikaanim na Baitang sa ikaapat na ranggo sa unang National Elementary Assesment Test (NEAT). Ang mga mag-aaral naman ng Fourth Year High School ay nakapuwesto ng ikalima sa Cluster C sa unang National Secondary Achievement Test (NSAT). Maraming beses na ring kinilala ng Center for Educational Measurement (CEM) ang LLCI bilang isang Top Performing School sa Visayas. Ngunit hindi lamang sa larangan ng akademiko nagpamalas ng galing ang LLCI. Nagpakita rin ito ng kahusayan sa mga paligsahang interschool gaya ng mga nasa Children’s Museum and Library, Inc. (CMLI) National Convention at sa Palarong Pambansa.
Ipinagkaloob ng Philippine Accrediting Association of Schools, Colleges, and Universities (PAASCU) ng Level II Accredited Status ang Grade School Department ng paaralan noong Disyembre 2004 at Level II Re-accredited Status noong Nobyembre 2011. Noong SY 2009-2010, pumasok ang High School Department sa isang consultancy agreement kasama ang Lasallian Schools Supervision Office (LASSO). Noong 2010 rin pumasok si Gng. Dara T. Ramos bilang bagong punong guro ng paaralan. Bumisita ang LASSO noong Pebrero 2013 at ipinagkaloob ang Supervised Probitionary Status sa High School Department. Noong Enero 2017 ay ipinagkaloob naman ng LASSO ang Supervised Level 1 Status sa buong paaralan.
Noong June 2015, nakakuha ang paaralan ng 14, 400 metro kwadrado ng lupa mula sa National Development Company (NDC) at Leyte Industrial Development Estate (LIDE) para sa bago nitong Admin at Junior High School na gusali. Nagsimula ang konstruksyon noong Disyembre 2015, at pinasinayaan noong ikalabimpito ng Agosto 2016. Sa parehong taon, binuksan nila ang klase para sa Senior High School ng dalawang strands - Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) at General Academic Strand (GAS). Noong SY 2017-2018 naman, ipinagkaloob ng PAASCU ang Level II Reaccredited Status na may bisa hanggang Marso 2023.
Repleksyon:
May kahalagahan ang pagsulat ng sintesis sapagkat hindi sa lahat ng panahon may sapat na oras ang isang tao sa pagpapaliwanag ng isang bagay na maladetalye-detalye. Minsan ay kailangang ibuod ng isang tao ang mga aralin upang madaling maunawaan ng kanyang kausap ang pangunahing diwa ng paksang pinag-usapan.
Comments