Replektibong Sanaysay
- Klark Marquez
- Mar 22, 2021
- 3 min read

Ang replektibong sanaysay ay pumapaksa sa mga pangkaraniwang isyu, pangyayari, o karanasan na hindi na nangangailangan pa ng mahabang pag-aaral. May kalayaan ang pagtatalakay sa mga puntong nilalaman nito na karaniwan ay mula sa karanasan ng manunulat o pangyayaring nasaksihan (Baello et al. 1997). Naglalayon ang sanaysay na itong magbigay-katwiran, ipaliwanag, o suriin ang partikular na salaysay at palutangin ang halaga nito o ang maidudulot nito, depende sa layon ng manunulat, sa buhay ng tao, at sa lipunan (Arrogante et al. 2010).
Layunin:
Naiisa-isa at naipaliliwanag ang mga bahagi ng replektibong sanaysay
Nakasusulat ng replektibong sanaysay batay sa sariling karanasan
Nakikilala ang mga katangian ng mahusay na sulating akademiko sa pamamagitan ng binasang halimbawa
Halimbawa:
REPLEKTIBONG SANAYSAY SA KASALUKUYANG SITWASYON NG PILIPINAS
Hindi ko na gusto ang Pilipinas ngayong dumating na ang coronavirus sa baybayin nito. Para sa akin, ang bansa dati ay isang kahanga-hangang lugar kung saan ang mga tao ay palakaibigan at laging nakangiti. Dati kong tinitingnan ang bansa bilang isang underdog. Oo, underdeveloped ang bansa, ngunit marami itong potensyal na maging kahanga-hanga sa mundo. Dati kong tinitingnan ang pamahalaan na sa wakas ay nagiging progresibo na sa lahat ng mga bagong proyekto nito, kahit mayroong ilang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan dito at doon. Dati kong tinitingnan ang mga Pilipino bilang mga matatatag at masusunurin sa batas. Ngunit ngayon, masasabi ko na ang pagsiklab ng virus ay nagpalabas ng tunay na kulay ng bansa.
Ang pamahalaan at ang mga mamamayan ay pawang walang kakayahan na maisaayos ang mga problemang hinaharap ng bansa ngayon. Kagaya ng iba, ako rin ay nawalan ng pag-asa sapagkat hindi malinaw ang mga plano ng pamahalaan sa paghaharap ng pandemyang ito. Hindi ko rin masisigurado kung ano ang mangyayari sa bansa sa kinabukasan, at ang pagiging “hindi sigurado” sa panahong ito ay maaaring magdulot ng mas marami pang problemang panloob at panlipunan. Ang pamahalaan at mga mamamyan ay pawang matitigas ang ulo sapagkat hindi nila kayang sumunod ng mga simpleng patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Meron ding mga protestang naghihikayat at naghihiwalay sa mga tao base sa kanilang pananaw at saloobin sa mga napapanahong isyu. Ilan sa mga ito ay ang #OUSTDuterteNow, #IStandWithThePresident, #JunkTerrorBillNow, and #AcademicFreeze. Nagsilabasan at nagprotesta ang mga tao upang marinig ang kanilang saloobin ngunit hindi natuwa ang gobyerno sa gawaing ito. Kaya maraming mga aktibista ang nakulong, at lalong uminit ang ulo ng ibang mamayan dahil sa walang kwentang pamamaraan ng pamahalaan.
Tulad ng sinabi ko, ang Pilipinas ay nagpakita ng totoong kulay nito, at hindi ito maganda tingnan.
Ang pamahalaan ng Pilipinas, na may responsibilidad na pangalagaan at asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga mamamayan nito, ay kailangang maging mas malinaw sa kanilang mga plano. Ang pandemya ay nagiging sanhi sa pagkabalisa at pagkaparanoid ng mag tao sa hinaharap. Ang mga negosyong nagsasara (na nagreresulta sa kawalan ng trabaho) at ang patuloy na tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay ang mga dahilan kung bakit nagdududa at nag-aalinlangan ang mga mga mamamayan kung ginagawa nga ba talaga ng pamahalaan ang trabaho at tungkulin nito nang maayos. Kailangang ipaalam ng gobyerno sa mga tao na mayroong isang tiyak na landas ng pagkilos na isinasagawa upang mapagaan ang mga epekto ng pandemya. At siyempre, kapag pinapagaan ang epekto ng pandemya, kailangang unahin ng gobyerno ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao. Ang iba pang mga proyekto na hindi nauugnay ay dapat na ipagpaliban, at ang karamihan ng pondo ng estado ay dapat ilagay sa paghawak ng pandaigdigang krisis sa kalusugan. Dapat unahin ng estado ang buhay ng mga mamamayan nito, maliban lang kung nais nitong mabagsak ng mga tao (kung saan ang bawat tao ay may karapatang gawin).
Kagaya nito, ang mga mamamayan, na may tungkuling sundin ang batas ng pamahalaan, ay dapat handang isuko ang ilan sa kanilang mga karapatan (kagaya ng freedom of movement) upang maging mas madali ang pag-aasikaso at paglalaban sa virus na ito. Ang physical distancing at ang pagsususpende ng mga mass gatherings ay dapat mahigpit na ipinapatupad at sinusunod ng lahat. Dapat maiintindihan ng bayang Pilipino na upang maging mas maayos ang lahat, kailangan muna nating magtiwala sa ating mga awtoridad.
Ang pamahalaan at ang mga mamamayan ay parehong may tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan. Sa Pilipinas, ang dalawang partidong ito ay dapat magtulungan at gumawa ng mga kompromiso upang ang lahat ay umusad mula sa krisis na ito. Dapat walang mga kasinungalingan, manipulasyon, at pang-aabuso sa kapangyarihan sapagkat ang sakit na ito ay walang pinapaburan. Sa mata ng virus, lahat tayo ay karneng naghihintay sa hapag-kainan nito.
Repleksyon:
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng replektibong pagsusulat upang matingnan ng isang tao nang maigi ang kanyang mga posisyon at kaisipan tungkol sa isyung kanyang nais italakay sa kanyang papel. Mahalaga ang pagsulat ng mga kaisipan sa tekstong diskorsal upang mailahad mo ang iyong mga pinaniniwalaan sa isang kumprehensibong at cohesive na paraan.
Comments