top of page
Search

Posisyong Papel

  • Writer: Klark Marquez
    Klark Marquez
  • Mar 22, 2021
  • 3 min read

Ang posisyong papel ay isang sanaysay na naglalahad ng opinyon na naninindigan hinggil sa isang mahalagang isyu patungkol sa batas, akademiya, politika, at iba pang mga larangan. Karaniwan itong isinusulat sa paraang mapanghimok sa mambabasa upang maunawaan at sang-ayunan nito ang paninindigan ng nagsulat hinggil sa isyung paksa.


Layunin:

  1. Nabibigyan ng pansariling kahulugan ang posisyong papel

  2. Nasusuri ang nilalaman ng binasang posisyong papel

  3. Nakasusulat ng isang organisado, malikhain, at kapani-paniwalang posisyong papel

  4. Nakabubuo ng sulating may batayang pananaliksik ayon sa pangangailangan


Halimbawa:

PAGBABAKUNA: Isang Epiktibong Paraan ng Pag-iwas ng Sakit

Ang pagbabakuna ng mga bata ay karaniwang ginagawa ng mga magulang sa kanilang anak para maprotektahan sila sa iba’t ibang sakit. Subalit, hindi gusto ng ibang magulang na mabakunahan ang kanilang anak dahil inaakala nila na ito ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng autism, at sikreto raw itong binabalak ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan ng mga mamamayan nito. Kahit ano man ang dahilan, nagsama-sama ang mga magulang na tutol nito upang labanan ang kinailangang pagbabakuna ng kanilang anak. Ngunit ang lahat ng ito ay walang bisa dahil may maraming pag-aaral na siyang nagpaptunay na ligtas ang pagbabakuna at hindi nagdadala ng hamak sa mga bata.

Ang mga magulang na tumututol sa gawaing ito ay natatakot na magbunga lamang ang pagbabakuna ng masamang epekto sa kanilang anak. Ayon sa kanila, ang dahilan sa kanilang masamang karmadaman noon ay dahil sa nagpabakuna sila sa murang edad. Limitado rin daw ang impormasyon ng mga doktor at gobyerno sa nasabing pagsasagawa noon. Pero ang mga sinasabi nila ay pawang walang konkretong ebidensya. Ito ay tinatawag na “hasty generalization”. Ang ibig sabihin nito ay nagbabase lamang sila sa kanilang karanasan at walang tiyak na ebidensya ang kanilang pinaniniwalaan. Akala nila na ang dahilan sa mga sakit na natamo ng kanilang anak ay dahil lamang sa bakuna. Gayundin, hindi sila makatuwiran sa kanilang mga desisyon patungkol sa pagbabakuna ng kanilang anak. Ang mga pag-aaral, kabatiran, at katibayan ay madali lamang makuha. Pwede naman silang magsaliksik sa mga mapagkakatiwalaang websites sa Internet.

Ang pagbabakuna ay napatunayang ligtas at epektibo ng maraming samahan gaya ng World Health Organization (WHO) dahil sa paano ito gumagana sa ating sistema. Binubuo ang bakuna ng mahinang bersyon ng nasabing sakit upang matuto ang immune system na labanan ito kapag nahawa ulit. Kahit peligroso ito pakinggan, gumagana ito sa iba’t-ibang sakit. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang bakuna ay kayang labanan ang mga sakit gaya ng polio, tetanus, influenza, hepatitis, rubella, measles, whooping cough, at chickenpox. Kinatakutan ang mga ito noon pero hindi na ngayon salamat sa mga bakuna na naimbento.

Ang pagbabakuna ay nagdadala ng mas maraming benepisyo kaysa sa panganib. Kahit may kati, lagnat, at sakit sa una, mawawala naman ang mga ito. Ayon naman sa US Department of Health and Human Services, nagpapahaba at nakakaligtas ang bakuna ng buhay. Ang mga sakit na nahahawa ng mga bata noon ay madaling nang mapuksa ngayon. Hindi na rin naaksaya ang pera at panahon ng pamilya. Dahil mahal ang pagpapagamot, nababawasan ito kapag nagpapabakuna ang bata agad.

Sa madaling salita, dapat sang-ayon ang mga magulang sa pagbabakuna ng kanilang anak. Ito ay ligtas at epiktibo sa pag-iwas ng mga sakit at marami itong benepisyo. Maraming organisasyon ang nagpapatunay at nagrerekomenda nito bilang isang ligtas at mabisang gawain para mapalakas ang immune system ng mga bata. Kapag hindi pa rin sigurado ang mga magulang ukol dito, mas nakakabuti na mag saliksik sila at hindi mag base lamang sa mga haka-haka.


Repleksyon:

Ang pagsulat ng posisyong papel ay maaaring makapaglinang sa kakayahan ng isang mag-aaral na sumulat ng akademikong sulatin. Dahil nangangailangan ito ng malalim na pananaliksik at pagpunta sa mga mapagkakatiwalaan na mga sanggunian, nararanasan ng isang mag-aaral kung paano niya mabigyan ng suporta at pruweba ang kanyang mga pangunahing argumento sa kanyang posisyong papel tungkol sa isang isyu.

 
 
 

Comments


bottom of page